Ikalimang Kabanata
IKALIMANG KABANATA: MESTISO
Kahit na malamig sa opisina, pinagpawisan ako. Dala ng kahihiyan. Alam kong masamang tumitig, pero di ko napigilan. Uminit ang magkabilang pisngi ko.Tumalikod ako at kinapa ang aking bulsa. Wala akong nadalang panyo. Peste! Pinunasan ko nalang ng kamay ko ang aking pawis. Umupo na ko. Bumalik na pala sa kani-kanilang mga lugar sina Arvin at Mel. Umpisa na ng trabaho.
Hindi na ako muling naglakas loob tumingin sa direksyon ni mestiso. Baka kung ano pa ang isipin niya. Teka, ano kayang iniisip niya?
Pinilit kong tanggalin sa isipan ko ang nangyari at inasikaso ko nalang ang aking trabaho. Computer ang magiging lagi kong kaharap dito sa kompanya kasama na ang mga papeles ng mga kliente. Encoding ang malaking parte ng aking trabaho.
Lagpas dalawang dangkal ang kailangan kong i-encode. Hataw rin para sa unang araw. Nakakalito ang program kaya ang bagal ko. Naituro na sakin ito nung nakaraang linggo, pero dapat matagalang praktis para bumilis.
Tahimik ako sa harap ng computer ko. Mga bandang 9:40 AM, pumunta ako ng pantry para mag-kape. Medyo nakaramdam ako ng antok dahil wala akong ibang marinig kundi ang tunog ng keyboard at ang daldalan ng mga empleyado.
Walang ibang tao sa pantry kundi isang lalaki na nasa dispenser. Wala akong dalang mug kaya disposable cup ang gagamitin ko. Pagtungo ko sa cabinet, sabay namang harap nung lalaki. Nagulat ako. Si mestiso.
Napatingin siya sakin. Pero imbes na ulitin ko ang nangyari kanina, dumerecho na ako sa gagawin ko. Narinig kong umupo siya. Dali-dali kong tinapos ang pagkuha ng kape. Kahit mainit yung kape, napalagok ako ng mabilis. Hindi ko tuloy alam kung nagising ako dahil sa init ng kape, o dahil nakaharap ko si mestiso.
Tinapon ko na ang cup na ginamit ko at bumalik na ko sa mesa ko. Naron parin si mestiso sa pantry. Binalikan ko na ang ginagawa ko. Unang araw ko kaya dapat mag-concentrate ako. Sinubsob ko ang sarili ko sa trabaho. Nagtagumpay naman ako dahil hindi ko namalayan ang oras.
"Pare, tara lunch na tayo. Mamaya mo na yan ituloy."
Alas-dose na pala. Nagyayaya na si Arvin.
"Sige, una na kayo. Susunod nalang ako."
"Sigurado ka? Sunod ka agad sa pantry. Maraming gusto mag-interview sayo."
"Ha? Bakit naman?"
"Syempre bago ka kasi. Ganun talaga dito."
Tumango nalang ako. Parang nakakahiya naman yun.
"Sunod ka agad ha!"
Umalis na rin si negro. Tinignan ko ang mga papeles sa harap ko. Ang dami ko nang nagawa pero parang hindi nabawasan ang dami ng tambak. Hay.
Pumikit ako at pinatong ang ulo ko sa ibabaw ng mesa.
March 25, 1997 8:39 PM
Ang init. Napapaso ang balat ko.
"Nay!"
"Jerome! Jeremy! Nasan na kayo?"
Ubo. Nalanghap ko ang makapal na usok.
"Anak!"
"Tay!"
Sinubukan ko sumigaw, pero walang boses na lumabas.
Liwanag. Ang sakit sa mata ng apoy.
Usok.
Sunog. Ang bahay namin nasusunog! Nasan na sila? Hindi sila ko mahagilap.
"Pare! Pare! Gising!"
May nakahawak sa balikat ko. Niyuyugyog ako. Dinilat ko ang mga mata ko. Peste! Nakatulog pala ako. At nananaginip muli. Umayos ako ng upo. Kinuskos ko ang mga mata ko.
"Are you ok?"
Tumingin ako sa nagsasalita.
Si mestiso.
Di ako agad nakapagsalita.
"Hey. Ok ka lang?"
Tumango nalang ako.
"Pawis na pawis ka. Parang may masama kang napanaginipan."
Hinawakan ko ang ulo ko. Basa nga ako ng pawis. Patay na. Wala pa naman akong panyo.
Nahalata niya yata na wala akong panyo.
"Eto o."
Inabot niya sakin ang panyo niya.
"Naku wag na. Nakakahiya naman."
"No, its ok. Kunin mo na."
Nakakahiya man, pero kinuha ko na rin.
"Salamat."
Ngumiti lang siya sakin. Ang ganda ng kanyang ngiti.
"Ok ka lang ba?"
"Oo. Wala yun."
"Sige, sabi mo eh."
Yumuko ako at nagpunas na ko ng pawis.
Pagangat ko ng ulo ko, wala na siya sa tabi ko.
Ako nalang magisa.
Tinignan ko ang panyo niya. Napangiti ako. Ang bait niya pala.
Bigla ko naalala.
Nakalimutan kong itanong ang kanyang pangalan.
Peste!
No comments:
Post a Comment